Thursday, July 2, 2009

Unang Pagsisiwalat

Sa aking paggising ay kay sigla ng aking katawan. Napakagaan ng aking pakiramdam na wari bang ako ay nasa probinsiya at sumasamyo ng sariwang hangin ng kabukiran.

Napakarami kong dapat gawain sa araw na ito at sa susunod pang mga araw. Napakakalat ng aking tahanan kung kaya naman napakagulo din ng aking isipan. Hindi ko mawari ang aking uunahin sa dami ng kalat at dapat gawin. Sa bawat araw na lumilipas ay wala akong naiipon kung hindi kalat.

Hindi ito nakapagtataka para sa isang babaeng namumuhay mag-isa sa loob ng isang bahay. Malayo sa pamilya at kamag-anak. Naghahanapbuhay ako habang nag-aaral. Wala na akong pagsidlan ng aking mga gawain dahil sa kakapusan ng panahon. Wika nga ng aking ate, ako daw ay dapat nang magpalaba. Ito ay sa dahilang nalaman niyang sa kabila ng aking kaabalahan ay isinisingit ko pa ang aking paglalaba at pamamalantsa.

Naisipan ko na din ang humanap ng katulong subalit napakahirap sa panahon ngayon ang makatagpo nito. Subukan mong humagilap ng kahit isang pahayagang lokal at makikita mo na umaapaw sa mga naghahanap ng mga katulong ang kanilang pahina ng mga patalastas. Kadalasan sa mga posibleng makuha bilang katulong ay mga nagsipangibang-bansa na. Kaya naman kinakaya ko na lamang ang mga gawain kasama na ang trabaho, pag-aaral at gawaing-bahay.

Sinimulan kong isaayos ang aking silid-tulugan. Sa tuwing maglilinis ako ng bahay ay laging ang silid na ito ang aking inuuna sapagkat naniniwala akong kung may dapat na pinakamalinis, pinakamaayos at pinakamainam pamalagian, iyon ay ang iyong silid-tulugan. Dito ka magpapahinga at dapat lamang na talagang makadama ka ng kapahingahan at katiwasayan sa tuwing ikaw ay hihimlay.

Nasiyahan ako sa kinalabasan ng aking paglilinis. Binago ko ang posisyon ng mga lalagyan ng damit at lalagyan ng mga gamit sa pag-aayos at paglilinis ng katawan. Maayos at tuwid na tuwid ang pagkakalatag ng covre cama. Walang alikabok ang sahig. Mabango ang samyo ng silid sapagkat ito ay nilagyan ko ng glade gel freshener na aking nakahiligan na mula nang ito'y ilabas at ibenta sa mga pamilihan.

Tapos na ang silid-tulugan subalit malapit na ang oras ng aking pagtungo sa paaralan kung kaya't napag-isipan kong liligo na lamang ako.

Isa sa aking mga pang-umagang rituwal , bago ko isagawa ang paliligo, ay ang paglilinis ng palikuran at paliguan. Lilinisin ko ang sahig nito mula sa mga nakayayamot na dumi ng ipis at mga buhok na marahil ay nagsipaglagas mula sa aking ulo. Pagkatapos kong makatiyak na malinis na ang sahig ng palikuran at paliguan, kukuhanin ko na ang mga lalabahang pang-ilalim. (Nagpapalaba na ako ngayon sa laundry shop sapagkat wala na nga akong panahon. Pinapapalantsa ko na rin ang mga damit ko upang sa aking pagkuha nito ay isasalansan na lamang sa mga damitan.) Kakanawin ko ang sabon bago itubog ang mga ito sa timbang may tinunaw na sabon sa tubig. Iiwan ko na ito at tutungo sa cosina.

Kalimitang sumusunod sa aking rituwal ay ang paghihilamos at paghihiso ng ngipin. Pagkatapos nito ay magsasalang na ako ng sinaing sa kalan at aking iiwan upang ako ay makapaligo.

Sa aking paliligo ay uunahin ko ang pagsasabon ng katawan bago ang paggamit ng pH care. (Kung babae ka o lalaking hindi napag-iiwanan ng patalastas, alam mo kung ano ang gamit niyon.) Isusunod ko ang pagbabanlaw bago ako maghugas ng buhok gamit ang shampoo. Magbabanlaw naman ako ng buhok at saka ko ito tutuyuin ng bimpo. Paminsan-minsan ay gumagamit ako ng conditioner ngunit kadalasan ay hindi.

Kapag nakapagtuyo na ako ng katawan ay magbibihis na ako. Ang tanging inilalagay ko sa aking katawan ay deodorant. Titiklupin ko ang lahat ng tubal at ilalagay ito sa tubalan. Pagkatapos ay maglilinis ako ng tainga at ng ilong gamit ang cotton buds.

Kapag malinis at maayos na ako ay saka lamang ako kakain ng agahan. Sa araw na ito ay kanin at pink salmon ang aking ulam. Nakakwalang-gana nga dahil wala akong kasamang kumain at wala ding lasa ang pagkain.

Pagkatapos ng pagkain ay kalimitang maghihiso ako at itatambak ko ang mga pinagkainan sa lababo. Naaalala ko pang madalas kaming pagsabihan ng aming mga tiyahin na hindi mainam ang mag-iwan ng mga pinagkainan sa mesa sa dahilang iipisin daw kami. Ang katuwiran ko naman sa aking sarili ay masasayang naman ang mahal kong panghugas ng pinggan kung kakaunti (isang plato, isang tinidor, dalawang kutsara at isang baso) lamang ang aking nagamit. Ang kaldero naman ay halos puno pa ng kanin. Maalsa kasi ang bigas na aking nabili kaya kaydami ng kanin gayung isang baso lang ang aking isinaing.

Sapagkat mag-iikasampu na ng umaga, napag-isipan kong mamaya ko na itutuloy ang pag-aayos ng bahay at paglilinis. Papasok muna ako sa aking klase.

Sumakay ako ng ikot patungong paaralan upang malaman lamang pamaya-maya, sa aking mga kamag-aaral na aking nakasalubong sa may hagdanan ng gusali, na wala palang klase ngayon. Subalit kailangan daw naming magpasa ng takdang-aralin noong isang pagkikita. Kailangan kong makahanap ng mga salitang katutubo (hindi Kastila, hindi Instik, hindi Hapon, at hindi Ingles) na nagsisipagsimula sa mga letrang ito: C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z.

Hindi ko mawari kung uuwi ba ako ng bahay, mananatili sa paaralan, o kaya ay tutuloy sa opisina. Sinabi ko pa naman sa aking sarili na ako ay mag-aaral sa paaralan at hindi sa bahay upang madami akong matapos. Hindi din dapat sa opisina spaagkat natutukso akong magtrabaho. Gayunpaman, napag-isipan kong tumuloy sa opisina at doon mag-aral.

Pagbaba ko ng taxi ay nasiglawan ko kaagad ang babae, na nagtatrabaho sa opisina sa tuktok, at akin siyang kinawayan upang hindi naman ako masabihang suplada. Nauna na ako sa elevator subalit ako ay kanyang inabutan. (Katulad ng dati, hindi mo malaman ang bantay ng gusali kung babati o hindi. Pagkatpos mo namang makalampas sa kanya ay saka ka babatiin ng Good morning, ma'am!)

Habang naghihintay ng pagbukas ng elevator, hindi ako nakaiwas na tanungin ng babaeng aking kinawayan. Tawagin natin siyang Ina. Nais niyang malaman kung sa condo pa ba daw ako umuuwi at natutulog. Sinabi kong hindi na ako doon tumutuloy sapagkat lumipat na ako ng bahay na malapit sa aking paaralan. Nakita ko ang lungkot na bumahid sa kanyang mata. Hindi ito ang lungkot na masasabi mong taos sa kalooban. Ito ang lungkot na may kahalong panghihinayang. Nais kong mag-isip ng dahilan sa kanyang munting kalungkutan. Ngunit mahirap na ang mag-isip ng bagay na hindi ka naman nakatitiyak.

Pagbukas ng elevator ay nagpaalam na ako sa kanya upang pumasok sa aming opisina at doon ko natagpuang liban pala ang isa naming katrabaho dahil sa kanyang karamdaman. Mag-a-alas-dies y media na ng umaga. Tumuloy ako sa aking mesa at naghanap ng gagawain. Nakakita naman ako. Nakipag-usap ako sa ilang katrabaho. Pagkatapos nito ay isinunod ko na ang pag-aayos ng mga abubot sa aking mesa.

Natagpuan ko na naman ang pambalot ng mga aklat na siyang nababagay sa mga pinaglalaanan nito. Ipinahayag ko sa kinauukulan na maari na niya iyong magamit. Subalit ako ay nabigla sa kanyang isinagot. Kung maaari daw bang hindi na siya ang magbalot. Nabigla talaga ako. Itong taong ito ay talagang nakakabigla ang mga pagsagot sapagkat hindi mo inaasahan ang kanyang pagturing sa mga bagay at sitwasyon.

Noong una siyang humiling ng pambalot ay sinabi niya talagang siya ang magbabalot. Kailangan niya lamang ng magagamit na pambalot. Ngayong mayroon na ay saka niya sasabihing hindi na daw siya at sa aming tagalinis na lamang ipabalot. Hindi ba impertinente ang ganito? Nakakairita. At siyang dahilan kung bakit ako nakapagsulat ng blog. Ayaw ko kasing isiwalat ang aking galit sa aking mag kasamahan. Nagpipigil na lamang ako at baka kung ano pa ang lumabas sa aking bibig na siya kong pagsisisihan pagkatapos. Sabagay, malapit na siyang mawala. Sana nga ay matanggap na siya sa kung anu-anong pinapasukan niya at nang mawala na siya sa aking paligid.